Saloobin [01.27.2011]
Noong isang araw ay may sumabog na bus sa Manila. May mga namatay at marami rin ang mga nasugatan. Kaya naman naghigpit ang sekyuridad sa mga matataong lugar tulad ng MRT. Nakapila ako sa may baba ng ikalawang grupo ng hagdan sa North Edsa station. May tatlong pila para makapasok, isa para sa mga umaakyat gamit ang escalator, at ang dalawa ay ang mga gumamit ng hagdan at ang mga gawi ng Trinoma. Habang naghihintay sa pila ay napansin kong may isang mamang nasa apatnapu o limampu ang edad na umakyat at sumingit na lamang sa pila. Imposibleng hindi niya napansin ang pila dahil mahaba at maayos naman ang mga nakapila. Ngunit tumuloy lang siya, at nung gumalaw ang pila, ay siningit ang sarili sa pinakamalapit na masisingitang pagitan. Hindi umimik ang taong siningitin niya pero halatang naasar ito. Tumingin-tingin din ako sa ibang nakapila, at karamihan sa kanila ay nakatingin nang masama sa mama, ngunit wala namang nagsalita. Ang mama naman ay tumingin-tingin lang din sa mga nakapila. Pwedeng mabasa ang reaksyon ng mama sa dalawang magkaibang paraan. Una ay ang pagkamangha na parang ngayon lang niya napansin ang pila. At ang ikalawa ay ang tila nang-aasar na mukha, yung tipong naghahamon kung may magagawa ba ang ibang nakapila. Ngunit wala pa ring ginawa ang mga tao, kabilang ako. Nakatingin lang kami sa mama, na tila naghihintay na may ibang pwersang sumipa sa kanya paalis sa pilang iyon. Naasar ako, sino namang hindi? Pero hindi lang sa mama, kundi pati na rin sa mga tao, at sa sarili ko na rin. Simple lamang ang pangyayaring ito, pero masasabing laganap.
Ganoon na ba kamanhid ang mga tao, na kaya nilang magbulagbulagan sa mga pinagdadaanan ng kapwa, na basta umayos ang estado nila ay hindi na nila titingnan kung may nalalamangan o naapakan sila? Ganoon na ba kairesponsable ang mga tao, na kahit nakita na nilang may mali sa harap nila ay hindi nila gagawin ang nararapat para maitama ang mali? O baka naman alam nila ang tama ngunit natatakot lang na masangkot sa anumang argumento o gulo? O baka naman tanggap na nilang nangyayari ang mga kamaliang ito at wala nang pag-asa pang mabago?
**********
Natutuwa ako kapag iniinspeksyon nang maayos ng mga gwardya ang gamit ko, kahit na kailangan ko pang buksan ito. Alam ko naman kasing para sa kapakanan ko ang ginagawa nila. Kaya naman natuwa ako sa mga gwardya kanina sa MRT. Ngunit nang pauwi na ako, mga 10:30 na iyon nang gabi, ay bumalik sa “normal” na inspeksyon ang ginagawa nila. Ito ay ang tusok-method. “Normal” siya dahil kung walang sumabog na bomba o anumang kapantay ng di-kanaisnais na insidenteng iyon, ganun ang ginagawa ng mga gwardya. Alam ko dahil linggo-linggo ako sumasakay ng MRT. Ang bag ko ay may dalawang compartment (hindi ko alam ang tawag kaya sabihin na nating ito nga), sa ikalawang compartment, ay meron ding lalagyan ng laptop. Sa normal na sitwasyon, bubuksan ko lang ang bandang taas ng bag ko kung saan makikita na ang laptop at ang wire nito. At syempre, papapasukin na ako ng gwardya. Pero maliban sa laptop, may iba pang laman ang bag ko tulad ng box ng HDD, at ng mga personal na gamit na nasa isang pouch bag(?). Hindi ba nakakatakot kung ganun? Paano kung halimbawa, may ibang ganun din ang ginawa. Maaari silang maglagay ng mga armas sa nasabing box, at pouch bag. O pwede rin silang maglagay ng kung anuman sa iba pang compartment ng bag nila, o sa pinakailalim ng bag nila. Kaya naman pag sumasakay ako ng MRT, ay tinitingnan ko kaagad ang paligid ko at pinag-aaralan ito. Saan ako magtatago para hindi ako masyadong mapahamak pag may biglang sumabog na bomba? Sinu-sino sa mga pasaherong ito ang pwedeng lumaban kung may biglang maglabas ng baril? Alin sa mga dala ko at mga dala ng ibang pasahero ang pwedeng gamiting sandata kung may masamang loob na dumating? Mabubuksan ba ang pinto at bintana pag biglang may maglabas ng anumang airborne na lason? May mga musmos bang dapat unahin ang kapakanan kapag nagkagulo? Nakakatawa man, ngunit yan ang mga pumapasok sa isip ko tuwing sumasakay ako ng MRT. Nakakatakot dahil hindi mo alam kung kailan maglalabasan ang masasamang elemento ito. Kahit anong sabi pa sa’yo ng “ingat” ng mga kaibigan at kapamilya mo, kung nasa loob ka naman ng isang sasakyan tulad ng MRT, parang wala rin, dahil baka wala ka na ring magawa kung may mangyaring di-kaayaaya.
**********
Nabasa ko sa aking Twitter feed na gusto na raw bigyan ng pondo ng Senado ang larong Football. Syempre, ito ay dahil sa magandang pinakita ng Azkals sa mga nakaraan nilang laban. Maganda na popondohan ang ating national team. Ngunit, iyon nga lang ba ang hangad ng mga senador na ito? Hula ko, pag meron na namang isang sports kung saan Pilipino ang naging kampyon ay sasabihin nilang popondohan din nila ito. Kailangan bang sumikat muna, bago pondohan? Hindi ba dapat ay ginagawa ng pamahalaan ang makakaya nito para suportahan ang ating mga atleta at ang larangan ng sports, ayon na rin sa ating konstitusyon (hindi ko sigurado)? Popondohan dahil sumikat. Bakit? Para sabihing may naitulong sila? O para lang pagandahin ang imahe nila? Maaaring may ibang magsasabing ang gulo ko, dahil naaasar nung hindi pinopondohan, at naaasar pa rin ngayong popondohan na. Ang punto ko rito, at siguro ng ilan na rin sa atin, ay kung bakit ngayon lang? Kung dati pa nila ginawa ito, baka marami na tayong nauwing champion titles, hindi lamang sa football, ngunit sa iba na ring sports.
**********
May nakita rin akong balita na may gustong ipatupad na SIM registration. Hindi ko pa alam masyado ang mga detalye, pero hinala ko na magiging malaking isyu ang privacy dito, lalo na kung may mga impormasyong pampribado. Pwedeng sabihin sa batas na kailangan ng court order para tingnan ang mga impormasyon, o isang grupo o ahensya lamang ang pwedeng tumingin. Ngunit ang tanong ay natutupad ba ito? Paano natin malalaman na hindi nga tinatawagan ng kung sinumang may posisyon ang sinumang pwedeng tumingin upang tingnan ang mga impormasyong ito?
**********
Comments
Leave a comment