Matagal ko nang gustong gawin ang post na ito, ngunit ngayon lamang nagkaoras. Mapapansin mula sa iba kong post na isa ako sa mga pinuno ng aming Alumni Association.

Noong kami ay nagtapos sa mataas na paaralan, ako ang nahalal na bise-presidente ng alumni association ng aming batch. Nais sana naming buhayin ang alumni association simula sa aming batch. Sa katunayan, bawat isa sa amin ay nagbibigay dati ng dalawampu o tatlumpung piso kada buwan para sa isang kabataang pinag-aaral namin sa Bikol. Hindi ko na alam kung anong nangyari sa kanya dahil pagkalipas ng humigit kumulang isang taon, nawala na rin ang aming munting alumni association.

Ngunit bago tuluyang maglaho iyon, nagkaroon kami ng mga pagpupulong. Sa katunayan, napag-usapan pa naming gumawa ng isang everything-under-the-sun na quiz bee para magkaroon ng pera ang asosasyon. Nagkaroon din ng mungkahing magkaroon ng sariling konstitusyon ang asosasyon. Nagkaroon din ng mga pagbabago sa hanay ng mga opisyales dahil sa mga pagbibitiw ng ilan.

Dumating ang taong 2009, ika-25 anibersaryo ito ng aming alma mater. Nagpatawag ng pagpupulong para sa alumni association, at sa panahong ito, hindi limitado sa aming batch, kundi sa lahat ng mga nagtapos, o kahit hindi nagtapos basta naging mag-aaral ng aming alma mater.

Muli na naman akong ginawang opisyal ng aming asosasyon, mula sa pagiging batch representative, hanggang ngayon na alumni affairs officer. Naging matrabaho ito para sa aming lahat, lalo na’t may homecoming na magaganap.

Naging maayos ang homecoming. Maraming pumunta. Ngunit nang nagpatawag ng pagpupulong pagkatapos, halos wala pang dalawampu ang dumalo. Marami pang kailangang ayusin, tulad ng by-laws at ng aming funds. Ngunit nahihirapan kami (lalo na sa pagkalap ng pondo) dahil tila mga opisyales lang ang nagtatrabaho.

Minsan, tinatanong ko ang sarili ko kung ano ang mapapala ko dito. Puro lang naman gastos ang napapala ko dahil sa pamasahe papunta sa mga pagpupulong, at gastos ulit dahil sa pagtetext sa mga kailangang itext. Pagod lang din ang dala nito minsan, at tila ba manghihina pa ang loob mo pag nakikita mong walang dumadalo sa mga pagpupulong o sa mga gawain ng asosasyon.

Pero para saan nga ba ang isang alumni association?

Sa aking pananaw, ang isang alumni association ay nariyan para tulungan ang kanyang alma mater. Pero sa lagay namin, kami pa ang tinutulungan ng aming alma mater. Nakakahiya. Alam kong may ibang ayaw na ulit bumalik sa aming alma mater dahil hindi naging maayos ang naging karanasan dito. Lahat naman tayo ay may hindi magandang karanasan sa ating paaralan.

Pero kung titingnan sa iba pang pananaw, hindi naman talaga ang alma mater ang tinutulungan natin, kundi ang mga mag-aaral ng ating alma mater. Kung noong estudyante ka pa, hindi naging maayos ang pagtuturo sa ibang subject dahil sa kawalan ng gamit, gusto mo rin bang maranasan iyon ng mga kasalukuyang mag-aaral? Kung sa tingin mo hindi nahahasa ang iba pang aspeto natin nung tayo’y mag-aaral pa, hahayaan mo rin bang maging mapurol ang mga kasalukuyang mag-aaral? Sa tingin ko, iyan ang pinakapangunahing tungkulin ng isang alumni association, ang siguraduhing hindi mararanasan ng kasalukuyang mga mag-aaral ang mga kakulangang naranasan ng mga alumni.

May iba namang naghahanap ng mga freebie at privileges pag sumali sa asosasyon tulad ng mga diskwento sa ilang tindahan. Alam naman nating nagsisimula pa lang ang asosasyon tapos naghahanap kayo ng mga ganyang bagay? Ang kapal din naman ng mukhang magtanong minsan, wala namang ginagawa kundi magreklamo at humingi.

Nariyan din ang alumni association para tulungan ang mga kapwa alumni. Mula sa aming huling pagpupulong, napagkasunduan nang pahiramin ang anumang pondo sa mga miyembro kung nangangailangan talaga.

Maraming oportunidad ang maaaring ibigay ng isang maayos na alumni association. Ngunit para maging maayos ito, kailangan ang suporta ng lahat ng miyembro. Hindi ito kaya ng mga opisyales lamang. At kung wala naman talagang balak tumulong, huwag na lang magsalita ng kung anu-ano na makapagpapabigat lamang ng loob ng mga taong gumagawa.

Share?
  • Print
  • Digg
  • del.icio.us
  • Facebook
  • Mixx
  • Google Bookmarks
  • email
  • MySpace
  • Ping.fm
  • RSS
  • StumbleUpon
  • Tumblr
  • Twitter
  • Yahoo! Bookmarks